Kinumpirma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na magiging miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) si Commander Bravo, ang tinaguriang renegade commander ng MILF at responsable sa pagsalakay sa North Cotabato at Lanao del Norte noong 2008.
Ayon kay MILF Chairman Murad Ebrahim, kasama ang pangalan ni Commander Bravo sa inaprubahang listahan ng mga nominado ng Malacañang at wala naman itong pending na kaso sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sinabi ni Murad na naging masigasig si Commander Bravo o Abdullah Macapaar sa pangangampanya para sa anim na bayan ng Lanao del Norte na nagpetisyong mapasama sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL), apatnapu’t isa (41) sa walumpung (80) miyembro ng BTA ang magmumula sa MILF samantalang tatlumpu’t syam (39) ang itatalaga ng pamahalaan.
Napag-alaman kay Murad na labing walo sa mga nominado ng MILF ang commanders at ang iba pa ay galing sa kanilang central committee.
Sa Biyernes, Pebrero 22 nakatakdang manumpa ang mga miyembro ng BTA.
—-