Handa na umanong ilabas ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang ulat hinggil sa naging kontrobersiya sa pagbili ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Sa katunayan, inihayag sa DWIZ ni Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na kaniya na lamang hinihintay ang lagda ng iba pang mga senador sa nasabing ulat.
Kasunod nito, sinabi rin ng senador na idedetalye nila ang nilalaman ng naturang ulat sa ipatatawag nilang pulong balitaan sa darating na Miyerkoles, Abril 11.
Tapos na tapos na iyon noong nakaraang buwan. Kaso lang inaayos pa, gusto ko kasi kapag binasa ng karaniwang tao ay madaling maintindihan. Paliwanag ni Gordon
Tiniyak din ni Gordon na kasama sa mga irerekomenda nilang kasuhan ng katiwalian si dating Pangulong Noynoy Aquino gayundin ang iba pang mga opisyal ng Department of Health na sangkot sa madaliang pagbili ng nasabing bakuna.
Ang DOH at ang Pangulo, pareho ang tungkulin niyan, sila ang nagbibigay proteksyon sa bansa. Ang DOH sila ang tagabantay kung ano ang gamot na ibibigay, kaya due diligence ang kailangan. Pahayag ni Gordon