Handang idepensa ni Senador Richard Gordon ang ginawa niyang committee report hinggil sa kontrobersyal na anti-Dengue vaccine na Dengvaxia.
Ito’y ayon kay Gordon ay matapos malagdaan na ng 14 na miyembro ng komitee ang nasabing ulat at inaasahan na itong isampa sa plenary debate.
Kasunod nito, nagpapasalamat si Gordon sa kaniyang mga kasamahan na lumagda kahit pa hindi sumasang-ayon ang mga ito na kasuhan at papanagutin si dating Pangulong Noynoy Aquino.
Pero giit ng Senador, mahalagang matiyak na may gagawing hakbang para sa kapakanan ng mga nabakunahan ng Dengvaxia at panagutin ang mga nasa likod ng pagbabakuna nito na naglagay sa alanganin sa mga naturukan nito.
Kabilang sa mga lumagda sa nasabing report sina Senate Committee on Health Chairman JV Ejercito, Majority Leader Tito Sotto, Senador Gringo Honasan, Juan Miguel Zubiri, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian, Ralph Recto, Manny Pacquiao at Francis Escudero.
Lumagda rin sa naturang committee report sina Senadora Nancy Binay, Grace Poe, Cynthia Villar at Loren Legarda.