Nilagdaan na ng 9 na senador ang committee report na iniakda ni Senadora Miriam Defensor Santiago na may kinalaman sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Ito’y makaraang gumawa ng sariling pagdinig si Santiago bilang Chairman ng Senate Committee on Constitutional Ammendments para busisiin ang constitutionality ng nasabing panukala.
Ayon kay Santiago, hindi maaaring ipasa ang BBL sa kasalukuyang porma nito dahil sa marami itong butas at lumalabag sa umiiral na Saligang Batas.
Bukod kay Santiago, sinuportahan din ang report ng mga kapwa niya senador tulad ng Vice Chairman ng komite na si Senador Sonny Angara gayundin ang mga miyembro nitong sina Senador Jinggoy estrada, Vicente Sotto, Koko Pimentel, Cynthia Villar, Lito Lapid, Ralph Recto at Bongbong Marcos.
Sinabi pa ni Santiago na huwag apurahin ang pagpasa sa BBL dahil may pangangailangan pang amyendahan ang Saligang Batas.
Isasama sa committee report ni Santiago sa gagawing ulat naman ng Senate Committee on Local Government na pinamumunuan ni Senador Bongbong Marcos gayundin sa peace and unification committee na pinamumunuan naman ni Senador TG Guingona.
By Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19)