Nakahanda nang ilabas ni Senador Richard Gordon ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa paglusot ng 6.4 na Bilyong Pisong halaga ng shabu shipment mula China.
Ayon kay Gordon, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, posibleng ilabas na niya bukas, araw ng Lunes ang committee report matapos ang ilang linggong pagdinig.
Sinabi ni Gordon na makikilala na ang mga sangkot sa shabu shipment at posibleng magrekomenda na ng mga kasong isasampa laban sa kanila.
Nauna rito, sinabi ni Sen. Antonio Trillanes IV na pipigilan niya ang committee report ni Gordon kung lalabas na abswelto si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at asawa ni Mayor Sara Duterte na si Atty. Mans Carpio.
Nakaladkad ang pangalan ng anak at manugang ni Pangulong Duterte matapos idawit ng customs broker na si Mark Taguba ang mga ito sa katiwalian sa BOC.
By: Arianne Palma
SMW: RPE