Target ng Senado na maipasa agad ang committee report ng Blue Ribbon sa isyu ng ninja cops sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa November 4.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, agad nilang tatalakayin sa plenaryo ang nabanggit na report.
Part one pa lamang aniya ito at kasalukuyan pang tinatapos ng Blue Ribbon Committee ang draft report hinggil sa kontrobersiya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sinabi ni Sotto, nauna lamang aniyang maipalabas ang hinggil sa ninja cops dahil mainit ang nabanggit na usapin.
Samantala, tiwala naman si Sotto na susuportahan ng mayorya ng senador ang committee report na nagrerekomendang makasuhan si dating PNP Chief General Oscar Albayalde dahil sa maanomalyang drug buy bust operations sa Pampanga noong 2013.