Siniguro ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na maisasaayos na ang lahat ng linya ng komunikasyon sa mga lugar na apektado ng bagyong Odette bago matapos ang taon.
Inihayag ni DICT Acting Secretary Emmanuel Rey Caintic na 80% hanggang 90% ng mga apektadong lugar ang may problema sa linya ng komunikasyon dahil sa bagyo.
Ayon kay Caintic, nakikipag-ugnayan na sila sa telecommunication companies upang isaayos ang kanilang serbisyo.
Nagpapahiram na anya ang kagawaran ng mga satellite phone at radio sa local government units na maaari nilang magamit sa response at relief operations.
Prayoridad ng DICT ang emergency communication sa pagitan ng mga ahensya tulad ng Office of Civil Defense (OCD) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa mga susunod namang araw ay aayusin ng kagawaran ang mga linya ng komunikasyon sa Cebu, Bohol, Negros at Palawan.