Tila nagsumbong si Communications Assistant Secretary Mocha Uson sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media matapos na kanyang sabihin na biktima rin siya ng fake news.
Ayon kay Uson, una siyang nabiktima ng fake news matapos na ibalita sa mainstream media na itinalaga siya bilang Customs Consultant for Social Media, kung saan umani ito ng mga batikos mula sa netizens.
Binanggit din ni Uson ang isang Facebook page na may pangalang madame Claudia na nag-post ng tseke na ibinayad umano ng DBM o Department of Budget and Management sa kanya at aniya’y maling ulat ng pages-selfie niya sa isang Mosque sa Marawi City.
Samantala, bahagya namang nagkainitan sina Senador Bam Aquino at Uson nang batikusin ng senador ang opisyal na hindi rin umano sila kinukuhanan ng panig sa mga isinusulat nito.
Kasabay nito iginiit ni Aquino na dapat maging patas si Uson tulad ng kanyang hinihingi sa mga mainstream media.