Inihayag ni Deputy National Security Adviser Rommel Banlaoi na target nilang tapusin ang communist insurgency bago matapos ang anim na taong termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa respetadong political scientist at security expert, gagawin nila ito sa pamamagitan ng whole-of-nation approach kung saan magiging katuwang nila ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Mahalaga aniyang maipagpatuloy rin ang kampanya upang makamit ang progreso at pag-unlad sa lahat ng lugar sa bansa.
Bukod dito, sinabi ni Banlaoi na agad ding maibabalik ang basic services kapag nabura na ang impluwensiya ng mga komunista sa mga barangay.
Dagdag pa ng opisyal, nasa dalawang libo na lamang ang bilang ng mga rebelde sa bansa kaya’t umaasa silang magbabalik-loob sa pamahalaan ang mga ito sa mapayapang pamamaraan.