Sisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pagsasagawa ng community-based testing para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngayong Lunes, ika-13 ng Abril.
Ito ay sa pag-asang mapigilan nito ang paglaganap pa ng naturang virus.
Naka-pwesto na ang dalawang swabbing booths para sa unang araw ng COVID-19 testing sa lungsod kung saan, nasa 150 katao ang paunang ite-test mula sa 22 barangay sa Districts 1, 3 at 4 na pinaghihinalaang may exposure sa COVID-19.
Kabilang sa proseso ng testing ay ang pagkolekta mula sa mga indibiduwal ng blood at swab samples na gagamitin para rito.
Sasailalim din sa interview o pagtatanong ang mga ito para sa government records na inaasahang aabot ng 15-minuto.
Dadalhin naman ang mga samples na makokolekta sa Research Insitute for Tropical Medicine (RITM) upang isailalim sa pagsusuri sa COVID-19.
Pansamantala ding mananatili ang mga indibidwal na kinuhaan ng blood at swab samples sa isang quarantine facility habang hinihintay ang resulta ng test.
Ang mga magne-negatibo sa virus ay papayagan nang makauwi sa kanilang mga tahanan ngunit kinakailangan pa rin silang dumaan sa 14-day self quarantine.
Kung magpositibo naman ang isang pasyente, awtomatiko itong ire-refer sa Hope 2, isang pasilidad sa lungsod para sa mga hinihinala at kumpirmadong COVID-19 patients, sa pangangalaga ng mga health practitioners na may kakayanan umanong tugunan ang pangangailangan ng mga pasyenteng may mild symptoms.
Samantala, sa ngayon ay nasa 20 medical technicians ang inihahanda para sa mga community testing centers.