Nanindigan ang pamunuan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na hindi na kailangan ng permit mula sa barangay o mga lokal na pamahalaan para makapaglatag ng nauusong community pantry.
Ito’y ayon kay ARTA Director General Atty. Jeremiah Belgica, matapos sabihin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Barangay Affairs Usec. Martin Diño na kinakailangan munang humingi ng permit sa barangay ang mga organizer ng nasabing proyekto.
Paliwanag ni Belgica, tungkulin ng ARTA na tiyaking mailalayo sa anumang anomalya ang mga hakbang na makatutulong sa publiko.
Mababatid na binisita mismo ni Belgica ang community pantry sa Maginhawa, Quezon City na inorganisa ni Anna Patricia Non, at sinabi rito na walang dapat ikabahala at sa halip ay ipagpatuloy lang ang kanilang mabuting layuning makatulong.
Nauna rito, iginiit ni DILG Secretary Eduardo Año na dapat ipagpatuloy ang nasabing hakbang na layong buhayin ang diwa ng bayanihan sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa huli, nanawagan si Año sa mga organizer ng bawat community pantry na tumulong sa mga awtoridad sa pagpapatupad ng health protocols kontra COVID-19. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)