Posibleng hindi payagan ng mga awtoridad ang pagbubukas muli ng mga community pantry sa muling pagsasailalim ng Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ).
Ito’y ayon kay MMDA chair Benhur Abalos kasunod ng banta ng delta variant ng COVID-19. Ayon kay Abalos, kinatatakot ng mga awtoridad sa community pantries ang pagpila ng mga nais makakuha ng mga pagkain dito na posible namang mauwi sa super spreader event.
Giit pa ni Abalos na layon ng ECQ na mabawasan ang mobility o paggalaw at paglabas ng mga tao sa kanilang kabahayan, kaya’t kung magpapatuloy ang community pantries ay hindi masisiguro ang kaligtasan ng publiko.
Kung gusto ani Abalos na tumulong sa mga maaapektuhan ng lockdown ay may iba pa aniyang paraan at sistema na mas ligtas.
Sa huli, sinabi ni Abalos na sa pag-iral ng lockdown mahalagang manatili sa kabahayan lalo na kung hindi naman kinakailangang lumabas pa.