Nanganganib na matigil ang operasyon ng mga community pantry sa iba’t ibang lugar sa bansa kung makikitaan ito ng paglabag sa ipinatutupad na minimum health standards.
Ito ang inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa gitna ng kontrobersiya sa pagbubukas ng mga community pantry sa bansa.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, nakatakda silang maglabas ng advisory at memo sa mga local government units (LGUs) kung saan tinutukoy ang mga hakbang at paraan kung papaano maisasa-ayos ang community pantry na inisyatibo ng mga pribadong sektor o indibidwal.
Dapat din aniya na makipag-ugnayan ang mga organizer ng community pantry sa LGUs para matiyak ang epektibong pagpapatupad ng health protocol, mapanatili ang kaayusan at kapayapaan at masigurong makarating ang tulong sa tunay at karapat-dapat na benepisyaryo nito.
Giit ni Año, nais lamang nilang tiyakin na ang pagbubukas ng community pantry na ito sa iba’t ibang lugar sa bansa ay hindi magdudulot ng marami pang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).