Hindi kailangan ng permit sa pagtulong.
Ito’y ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto hinggil sa pagbubukas ng mga community pantry sa lungsod.
Ani Sotto, hindi kailangan ng anumang permit para makapagsimula at magbukas ng naturang inisyatibo na makatutulong sa publiko ngayong may pandemya.
Bukod kay Sotto, ito rin ang sentimyento ng iba pang alkalde sa Metro Manila maging ng mga matataas na opisyal ng bansa.
Magugunitang nagsulputan ang community pantry sa iba’t-ibang bahagi ng bansa matapos itong ilunsad ni Ana Patricia Non sa Maginhawa sa Quezon City.
Sa naturang community pantry kasi makakukuha ng libreng mga pangangailangan gaya ng pagkain ang isang indibidwal o kaya naman ay makapagbibigay parte o donasyon ang isang indibidwal na may kakayanan para maitulong sa mga kababayan nating nangangailangan ngayon may pandemya.