Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng guidelines hinggil sa mga manggagawa na maaapektuhan ng community quarantine sa Metro Manila.
Sa Labor Advisory No. 11 series of 2020 ng DOLE na ipinalabas ngayong Sabado, idinitalye dito kung paano makakapasok at makakalabas ng Metro Manila ang mga empleyado na naninirahan sa karatig probinsya.
Batay sa advisory, oras na ipatupad na ang community quarantine sa Marso 15, papayagan pa ring makalabas at makapasok sa NCR ang mga manggagawa kung magpapakita ito ng company ID, o proof of employment, sa mga checkpoints na nagpapatunay na siya ay nagtatrabaho sa loob ng Metro Manila.
Exempted din sa travel ban ang mga empleyado ng mga healthcare facilities.
Bukod dito, nakasaad din sa advisory na hinihikayat ng DOLE ang mga employers na magpatupad ng fleixible work arrangements tulad ng work from home, skeletal work schedule, at iba pa.
Papayagan naman ang paghahatid ng mga goods, katulad ng pagkain, papasok ng Metro Manila basta’t mag presenta lamang ng proof of delivery.
Una nang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng community quarantine sa NCR na magsisimula naman sa Marso 15, 12 m.n.
Ito’y ay para mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.