Pinuri ng isang consumer group ang pakikipag-sanib pwersa ng Grab Philippines sa motorcycle taxi firm na Move-It dahil makatutulong umano ito upang maibsan ang hirap sa pagbiyahe ng mga commuter, lalo sa Metro Manila.
Ayon kay Professor Louie Montemar, Convenor ng Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3), ang kasunduan sa pagitan ng Grab at Move It ay isang magandang balita para sa mga motorcycle taxi driver na nakadepende ang kabuhayan sa iba’t ibang ride-hailing apps.
Ang motorcycle taxis anya ay nasa proseso na ng pagsasaligal bilang isang uri ng public transportation at ang operasyon ng mga ito sa kasalukuyan ay isang pilot study pa lamang.
Naniniwala si Montemar na ang naturang kasunduan ay magreresulta sa pagkakaroon ng karagdagang 6,000 partner-riders mula sa tinatayang 1,000 Moveit riders sa ngayon.
Isa rin umano itong pagpapamalas ng tunay na malasakit sa taumbayan na araw-araw sumasakay sa mga pampublikong transportasyon.