Mahalagang matutukan ang mga magre-renew ng lisensya.
Ito ang binigyang diin ni Senator Tito Sotto III matapos ang isinagawang pagdinig ng Senado sa transportation safety sa bansa.
Sa panayam ng “Sapol ni Jarius Bondoc”, sinabi ni Sotto na kailangang muling sumalang sa complete re-examination ang mga mag re-renew ng driver’s license.
“Binabantayan natin sila kung magagawa nila, kasi kapag tunay na mahigpit na eksamin ang gagawin ay marami diyan ang babagsak.” Ani Sotto
Idinagdag ni Sotto na ngayon ay tila naging revenue generating imbes na regulating na ang kalakaran sa pagbibigay ng lisensya kaya nakakalusot kahit kulang ang alam sa responsableng pagmamaneho.
“Naalala niyo yung naka-aksidente doon sa pagbaba ng flyover ng Magallanes tapos nasagasaan ang mga taong nakahilera sa kanan, 2 years ago ata, tricycle ang dating minamaneho nun, tapos pinagmaneho niyo ng bus, grabe talaga.” Dagdag ni Sotto
Aniya, dapat nang ipatupad ang mahigpit na regulasyon sa pagkuha ng lisensya kasabay ng seryosong pag-eksamin sa mga driver.
“Kahit hindi every 3 years, kundi now seryosohin na, samantalahin nila lahat ng mag-rerenew hanggang sa mai-renew na lahat ay makapag-eksamin ulit, kapag bumagsak eh di umulit ka, pag-ulit mo alam mo na ang mali mo. Sa Amerika lang sobrang higpit, halos 100 percent dapat tama ka eh sa written exam, tapos yung examination mo ng pagda-drive ay dapat umikot ka, eh san tayo iniikot ng LTO yung nagda-drive?” Paliwanag ni Sotto
Pagtitiyak ni Sotto, sa oras na talakayin ang budget ng ahensya at sa pagbabantay nila ay pipilitin nilang magawa ng LTO at maipatupad nito ang kanilang mga suhestyon para sa road safety.
“Kung puwede nga ilipat ang LTO sa labas ng Metro Manila para magkaroon ng malawak na area para may pagkakataon para sa examination, yung pinaka-main LTO magandang ilipat yan sa Clark, doon kayo kumuha ng lisensya doon mate-testing ka, maraming pagkakataon na ma-eeksamin ang mga driver.”
Kasama din sa nais patutukan ng senador ay ang road worthiness ng mga sasakyan kung saan lumalabas aniya na nakakabiyahe pa rin ang mga sasakyang masyado nang mga luma.
“Yung ating mga opisyal na nagbibigay ng road worthiness ay bigay lang ng bigay, dapat kapag pampasaherong sasakyan kailangan merong certificate of road worthiness at dapat may policy sila na dapat 15 years old hindi na puwedeng tumatakbo, eh bihira sa ating mga buses ang below 15 years old eh, karamihan beyond eh.” Pahayag ni Sotto
By Aiza Rendon | Sapol Ni Jarius Bondoc (Interview)