Isang compound sa Muntinlupa City ang isinailalim sa extreme localized community quarantine (ELCQ) dahil sa mataas na bilang ng mga dinadapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinasabing ginawa ang hakbang kasunod ng matagumpay na localized lockdown sa Morning Breeze sa Alabang.
Ayon kay Public Information Office (PIO) Chief Tez Navarro, ipinag-utos ni Mayor Jaime Fresnedi ang pagsasailalim sa dalawang linggong ELCQ sa Sitio Pagkakaisa Zone 3 Interior na tahanan ng may 26 pamilya at matatagpuan sa Brgy. Sucat sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na epektibo ang kautusan mula ika-13 hanggang ika-26 ng Hunyo.
Ayon kay Navarro, (as of June 17) nakapagtala na ang Muntinlupa City Health Office (CHO) ng 17 confirmed cases at apat na recoveries sa Sitio Pagkakaisa.
Samantala, sinabi ni CHO chief Dra. Teresa Tuliao na lahat ng mga aktibong kaso sa sitio ay kasalukuyang inoobserbahan at ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa (OsMun).
Sa kabuuan, mayroon nang 310 confirmed cases sa Munti, 197 recoveries, 78 active cases habang 35 naman ang mga nasawi.