Nakabuo na ng comprehensive rehabilitation plan ang Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado nang pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Ito, ayon kay Agriculture Secretary Wiliiam Dar, ay para mabilis na makabangon ang mga magsasaka at mangingisda matapos ang nasabing kalamidad.
Ipinag-utos ni Dar kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Chief Eduardo Gongona na magsagawa ng water supply test upang alamin ang sulfur level at iba pang toxic materials sa mga apektadong lugar.
Pinagagawan din ni Dar ng report ang BFAR para sa pre-eruption at post-eruption operations at livelihood assistance na maaaring ibigay sa mga apektadong mangingisda.
Ipinabatid pa ni Dar ang paghahanap ng mga posibleng mapagkukunan ng tilapia at tawilis para i-supply sa Metro Manila at iba pang lugar.
Samantala, sinabi ni Dar na pinagsasagawa na rin niya ang Bureau of Soils and Management ng chemical analysis sa abo at lupa sa mga apektadong lugar habang pinag-a-assess naman niya sa high value crop development program ang Bureau of Plant Industry.