Pagpapalakas ng Comprehensive Sexual Education (CSE) ang nakikitang solusyon ni Sen. Win Gatchalian sa tumataas na bilang ng teenage pregnancy sa bansa.
Kasunod ito ng panawagan ng Commission on Population and Development (PopCom) na magdeklara na ng national emergency bunsod ng lumalaking bilang ng mga nabubuntis na mga kabataan sa Pilipinas.
Batay kasi sa Philippine Statistics Authority (PSA) 2017 National Demographic and Health Survey, 9% ng 4.9-milyong kabataang babae na nasa edad 15-19 ang nabuntis na.
Ito’y sa kabila ng pagpasa ng Reproductive Health law noong 2012.
Ayon kay Gatchalian, maaaring maiwasan ang pagdami ng mga batang tumitigil sa pag-aaral dahil sa maagang pagbubuntis kung nabibigyan sana ang mga kabataan ng mabisang kaalaman sa ilalim ng CSE.
Sa tahanan aniya nagsisimula ang edukasyon hinggil dito at dapat na ipinagpapatuloy sa paaralan.