Tiyak na tatamaan ang mga mahihirap sa sandaling lumusot ang comprehensive tax reform package o CTRP na naglalayong tanggalin na ang tax exemption ng mga kooperatiba.
Ayon kay Coop-NATCCO (National Confederation of Cooperatives) Party-list Representative Anthony Bravo, mawawalan ng saysay ang mga kooperatiba kung lahat ng kanilang transaksyon ay kailangang patawan ng buwis.
Ipinaliwanag ni Bravo na hindi naman tax free ang mga kooperatiba dahil may kaakibat namang buwis ang mga transaksyon nila na lalampas ng sampung (10) milyong piso at mga transaksyon sa hindi miyembro ng isang kooperatiba.
Sa ilalim ng CTRP ng pamahalaan, tatanggalin na ang exemption ng mga kooperatiba sa value added tax.
“Ito pong labing apat (14) na milyon ay representative ng household, kung hindi po tatay ang miyembro, ang nanay. Pag-kinapos ho ang isang pamilya o household, wala pong pang tuition ang anak, walang pambayad sa boarding house, tumatakbo ho siya sa kooperatiba. Lalo na ho sa mga malalayong lugar, sa far flung areas, mga rural areas – na wala pang bangko, in fact kahit meron pang bangko, hindi maka-utang ang ating mga magsasaka at mga mangingisda”, pahayag ni Coop-NATCCO Party-list Representative Anthony Bravo sa panayam ng DWIZ.
By Len Aguirre