Inamin ni Atty. Oliver Lozano na siya lamang ang gumawa ng draft proposal kaugnay sa posibleng compromise agreement ng gobyerno at pamilya Marcos.
Sinabi sa DWIZ ni Lozano na hindi na kailangan ang pag-apruba o go signal ng pamilya Marcos kaugnay sa naging hakbang niya na aniya’y bahagi lamang ng tungkulin niya bilang isang concerned citizen para matupad ang kahilingan noon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
“Itong pagmungkahi natin ay upang makatulong na maipatupad ang huling bilin ni President Marcos, meron siyang hand written legacy noong April 9, 1973 na ang kanyang kayamanan ay para sa taong bayan, para sa tao, regardless of religious and political beliefs, sang-ayon din doon sa public vow ni Mrs. Marcos na kanyang ipatupad ang nasabing huling bilin.” Ani Lozano
Malacañang
Hindi maituturing na isang proposal ang lumulutang na compromise agreement na ipinupursige ni Atty. Oliver Lozano sa pagitan ng pamahalaan at ng pamilya Marcos.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nagsalita na rin kasi ang mga Marcoses na nagsabing wala silang ibinigay na kapahintulutan kay Atty. Lozano para pumasok sa isang kasunduan sa pamahalaan.
Lumalabas tuloy na wala talagang awtoridad si Lozano na makipag-usap sa pamahalaan at kumatawan sa pamilya Marcos para sa isang compromise agreement.
Bunsod nito’y hindi talaga uubra ayon kay Roque na maikunsiderang isang proposal ang inisyatibo ni Atty. Lozano gayung lumalabas na walang basbas ang aksyon nito mula sa pamilya ng dating Pangulo ng Republika.
Una nang inamin ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na nakatatanggap siya ng sulat mula kay Lozano pero walang consent mula sa kinauukulang pamilya.
(Balitang Todong Lakas Interview / with report from Jopel Pelenio)