Pinare-recompute ni Olongapo City RTC Judge Roline Ginez-Jabalde sa Bureau of Corrections (BuCor) ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Kasunod na rin ito nang isinagawang motion for reconsideration ng kapatid nang pinaslang na transgender na si Jennifer Laude.
Hihintayin pa naman ng husgado ang ihahaing motion for reconsideration ng DOJ bago magpasya hinggil dito.
Batay sa 7 pahinang motion for reconsideration ng private complainant sinabi nitong hindi dapat palayain si Pemberton dahil walang patunay sa good conduct nito habang nakapiit at walang katibayan na lumahok ito sa anomang rehabilitation activities na certified ng time allowance supervisor bukod pa sa wala ring katibayan ng kinakailangang recommendation mula sa management screening and evaluation committee
Iginiit din ng kampo ni Laude na self serving ang computation na isinumite sa korte gayundin ang ibinigay ng Bureau of Corrections dahil sa purong computation lamang at walang material basis.
Ayon naman sa kampo ni Pemberton walang merito ang mosyon ng kapatid ni Laude.
Sa isinumiteng opposition naman ni Atty. Rowena Garcia Flores, abogado ni Pemberton nakasaad na hindi sumunod sa kinakailangang requirements sa ilalim ng rules of court ang kampo ni Laude at hindi naipaliwanag sa mosyon kung bakit mali ang computation ng BuCor sa good conduct ng US serviceman.
Binabantayan din ng mga tauhan ng BuCor si Pemberton at ang mga ito ang maaaring magpatunay ng good conduct ng sundalong Amerikano habang nakakulong.