Posibleng mauwi rin sa kamay ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedesisyon kung anong sistema ang gagamitin para sa pag-amyenda sa konstitusyon.
Opinyon ito ni Professor Ramon Casiple, isang political analyst sa harap ng hindi pagkakasundo ng Senado at House of Representativs sa hiwalay o sama-samang pagboto sa mga inamyendahang probisyon ng konstitusyon.
Ayon kay Casiple, makabubuti kung itutuloy ng Pangulo ang kanyang pahayag na bumuo ng 25 kataong komite na siyang gagawa ng draft constitution at magrerekomenda kung anong sistema ang gagamitin para maamyendahan ang Saligang Batas.
“Tingin ko ang magreresolba nito ay ang Presidente, sa kanya naman kasi nanggaling ang panukala na yan, ang proposal kasi ay inadopt na ng leadership ng PDP-Laban, in fact sa Lower House ang nag-file niyan ay si Speaker Alvarez, naka-file na, kaya lang hindi mo masigurado yan eh, nagulat kami may isang version na yung kanilang napasok nadagdagan pa, may mga nagpasok pa ng ibang mga probisyon na ako tingin ko lampas-lampas na sa usapin ng system to federalism.” Ani Casiple
Samantala, aminado si Professor Ramon Casiple, isang polical analyst at kabilang sa federalism study group ng PDP-Laban na maraming naisingit sa isinumite nilang draft ng mga amyenda sa konstitusyon sa Kongreso.
Tinukoy ni Casiple ang tila nadoble pang pork barrel ng mga kinatawan ng bawat distrito sa inilatag na amyenda ng House Committee on Constitutional Amendments.
“Hindi lang nabuhay sa kanilang proposal, isa yan sa mga wala sa aming proposal, biglang lumitaw doon guaranteed sa konstitusyon na bawat legislative district na hindi naman actually unit ng local political power ay guaranteed ng budget, dalawa pa, mula sa federal level, mula sa regional level.” Pahayag ni Casiple
Ayon kay Casiple, sa ilalim ng ginawa nilang draft, nakapaloob na sa konstitusyon at hindi na kailangang gumawa ng batas ang Kongreso na magbabawal sa political dynasty.
Ganito rin aniya ang ginawa nila sa mga partido political upang maiwasan na ang palipat-lipat at papalit-palit ng partido.
“Probisyon sa current constitution na iniwan sa Kongreso ang pag-determina ng batas sa dynasty inilagay na namin directly as aprovision yung pagbabawal ng relatives to the second degree, at the same time yung political party kinikilala doon sa proposal kasi public institution.” Dagdag ni Casiple
(Balitang Todong Lakas Interview)