Humingi ng paumanhin si Presidential Adviser For Entrepreneurship Joey Concepcion sa maanghang na salitang binitiwan nya laban sa mga doktor na nagbabala laban sa paggamit ng rapid tests para sa mga manggagawang nagbalik trabaho.
Matatandaan na binatikos ni Concepcion ang mga doktor na anya’y salita ng salita subalit wala namang ginagawa para mapalawak ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing.
Sa kanyang statement, binigyang diin ni Concepcion na kinikilala at pinasasalamatan nya ang serbisyo sa bansa ng mga doktor at iba pang frontliners.
Ayon kay Concepcion, sa panahon ng giyera, kailangang gamitin ang lahat ng armas na maaaring magamit para mapanalunan ang labang ito.
Sa pamamagitan anya ng Project Ark na kanyang itinatag, napababa na nila ng 50% ang halaga ng rapid test kits at kumikilos na sila upang magawa rin ito sa RT-PCR.
Matatandaan na sa rapid test kits, hindi ang COVID-19 virus ang nakikita kun’di ang dami ng anti-bodies sa katawan ng tao na posibleng may dalang impeksyon.