Isinailalim sa total lockdown ang bayan ng Concepcion sa Tarlac matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang anim na miyemro ng isang pamilya doon.
Ayon kay Concepcion Tarlac Mayor Andres Lacson, agad silang nagkasa ng contact tracing kasabay ng ipinatupad na lockdown simula alas-5 ng hapon ng Hulyo 23 at tatagal hanggang g ala-5 ng madaling araw ng Hulyo 25.
Sinabi ni Lacson, nagtatrabaho sa isang casino sa Angeles City ang isa sa miyembro ng pamilya.
Asymptomatic aniya ito at nalaman na lamang na positibo ito sa COVID-19 nang isailalim sa test ang lahat ng empleyado ng casino matapos namang mabatid na positibo sa virus ang isa sa kanilang mga manggagawa.
Dagdag ng alkalde, hindi rin alam ng nabanggit na pasyente na nahawaan na niya ang kanyang mga kapamilya.
Kasalukuyan nang nasa quarantine facility ang anim na miyembro ng pamilya na pawang mga asypmtomatic rin at nagsagawa na ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga ito.