Makabubuting gamitin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang confidential at intelligence funds sa pagresolba sa gulo at mga isyu sa masungi georeserve sa lalawigan ng Rizal.
Ito ang mungkahi ni Senator Raffy Tulfo matapos mapaulat na inokupa ng isang security agency ang masungi nitong Setyembre.
Ayon kay Tulfo, P13.9 million ang confidential at intelligence funds na nakapaloob sa panukalang P23.13 billion budget ng DENR sa susunod na taon.
Gamit anya ang nasabing pondo, pwede nang alamin ng ahensya kung sinu-sino ang mga armadong lalaki at grupo na umokupa sa masungi georeserve at umano’y nananakot o nagtataboy ng mga naninirahan at nagbabantay doon.
Iginiit ng senador na hindi basta maaaring magsawalang-bahala ang DENR sa sitwasyon.
Sa budget deliberations ng senado, sinabi ni Environment Secretary Antonia Yulo-Loyzaga na nagpapatulong na sila sa DILG upang maresolba ang isyu at may initial findings na sila mula sa sariling imbestigasyon.
Pinaaksyunan din ni Tulfo sa DENR ang umano’y pagpwersa sa mga katutubo sa Rizal at Quezon Provinces na lumagda sa memorandum of agreement at tanggapin ang P1 million para umalis sa lupain na kailangan umano ng metropolitan Waterworks and Sewerage System para sa Kaliwa dam project. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)