Maaaring gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang confidential at intelligence fund para gamitin sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Ito ang nilinaw ng Malakaniyang kasunod ng hirit na pondo ng office of the president na para sa confidential at intelligence fund para sa 2021 budget na nagkakahalaga ng apat at kalahating bilyong piso.
Ayon kay Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, sa katunayan aniya ngayon taon, marami nang nagastos ang pangulo mula sa mga nabanggit na pondo para ipangtustos sa COVID-19 response.
Pinapayagan aniya ito ng batas lalo na sa mga pambihirang pagkakataon tulad ng krisis tulad ng COVID-19 na isang pandemiya hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo.
Bagama’t maaaring gastusin ng Pangulo ang nabanggit na mga pondo para sa pagkakataong ito, sinabi ni Roque na subject pa rin aniya ito sa audit na siyang magandang pagkakataon sa ngalan ng transparency.