Sinisikap na ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mas mapabilis ang confirmation proceedings ng dating pangulo sa International Criminal Court.
Ito ayon sa Lead Counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman, ay bilang tugon sa mga katanungang ibinigay sa kanila ng Pre-Trial Chamber 1.
Kabilang sa mga katanungan na ito ay kung may batayan ba si Duterte o alibi upang maibasura ang kaso laban sa kanya?; Nais ba nito na magsagawa ng imbestigasyon bago ang confirmation hearing?; Gusto bang magpresinta ng ebidensya ng dating pangulo?; May ihaharap ba itong mga testigo?
Gayundin, kung nais ba ng dating pangulo na magpadala ng ‘written testimonial evidence’ sa confirmation hearing, at kung oo, anong format ang gagamitin nito?; at kung may mga libro, dokumento, o litrato ba si duterte na maaaring inspeksyunin ng prosekusyon at maaaring gamiting ebidensya alinsunod sa rule 78 ng “the rules”?
Bagamat sinabi ni Atty. Kaufman na hindi pa sila nakapagsususmite ng detalyadong sagot sa mga katanungan ng ICC, tiniyak naman nito na nangangalap na sila ng mga ebidensya upang makatugon sa mga katanungan ng korte.—sa panulat ni John Riz Calata