Pinakakasuhan ng Ombudsman si Congressman Vincent ‘Bingbong’ Crisologo dahil sa umano’y anomalya sa paggamit ng walong milyong pisong PDAF o Priority Development Assistance Fund nito noong 2009.
Ayon sa Ombudsman, si Crisologo ay nahaharap sa tig-dalawang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Malversation at Malversation Through Falsification of Public Documents.
Sa report ng Task Force PDAF, hiniling ni Crisologo sa DBM o Department of Budget and Management na i-release na ang kaniyang PDAF para sa implementasyon ng CIDSS o Comprehensive Integrated Delivery of Social Services Program sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang implementing agency.
Inihayag ng Ombudsman na pinili ni Crisologo ang KACI o Kalookan Assistance Council Incorporated bilang non-government organization partner at nadiskubreng ang main supplier nitong Silver A Enterprises ay non-registered entity sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sa ilalim ng CIDSS Program, pinili ni Crisologo ang KACI bilang partner nito sa medical/hospitalization assistance, transportation, calamity, death, burial, educational expenses, small scale livelihood, socio cultural expenses, small scale infrastructure assistance at values training para sa kaniyang constituents sa unang distrito.
Gayunman, sinabi ng Ombudsman na nag-sumite ang KACI ng mga pekeng resibo at listahan ng beneficiaries ng financial assistance tulad ng coordinators at political supporters ni Crisologo matapos tumangging nakakuha ng benepisyo mula sa mga sinasabing beneficiary ng programa.