Hinimok ni dating MMDA chairman ngayo’y Marikina Congressman Bayani Fernando ang ahensya na buhayin ang OBR o Organized Bus Route bilang solusyon sa pagsisikip ng trapiko sa EDSA.
Sinabi ni Fernando na makakabuting balikan at pag aralan ang mga dating programa ng MMDA para makahanap ng uubrang strategy sa problema ng trapiko sa Metro Manila.
Hindi naman aniya ito ikalulugi dahil ang limang biyahe ay pu-puwedeng maging apat subalit punuan naman ng mga pasahero ang bus.
Ayon pa kay Fernando, dapat palagyan ng digital camera at RFID ang mga bus para matukoy ang lokasyon kontra sa mga pasaway na nagka cutting trip o hindi nagpupunta sa bus station.
Naniniwala si Fernando na kapag na plantsa ang OBR, mababawasan na rin ang mga pribadong sasakyan dahil mas pipiliin nang mag commute ng mga pribadong motorista.
Ang MMDA ang magko kontrol ng lalabas o mga ba biyaheng bus na naka depende sa dami ng mga pasahero sa EDSA para hindi magbabad sa nasabing lansangan ang mga bus lalo na sa mga oras na wala namang gaanong pasahero.
Ang OBR ay ipinatupad noong 2003 at sa ilalim ng naturang sistema ay maglalagay ng pitong istasyon na magsisilbing dispatched area ng mga bus.