Idineklarang persona non grata sa Aklan si Congressman Lray Villafuerte kasama ang tatlo pang kongresista.
Kaugnay ito sa isinusulong ng mga kongresista na House Bill 1085 o Proposing the Creation of Boracay Island Development Authority as a Government Owned and Controlled Corporation.
Bukod kay Congressman Lray Villafuerte, inaprubahan ng Aklan Sangguniang Panlalawigan (SP) ang resolusyong ideklara ring persona non grata sina Tsuyoshi Anthony Horibata ng First District ng Camarines Sur, Miguel Luis Villafuerte ng 5th District ng CamSur at Nicolas Enciso, III ng Bicol Saro Partylist Group.
Binigyang diin ng SP Aklan na walang pinagkaiba ang House Bill 1085 sa House Bill 09286 na inihain noong 18th Congress subalit hindi umusad.
Ang hakbang anito ng mga nasabing kongresista ay kawalan ng respeto sa mga Aklanons.
Una nang inalmahan ng mga opisyal ng lalawigan at mga residente ang pagbuo ng Bida Bill kung saan mapupunta sa national government ang pagpapatakbo sa isla ng Boracay.