Hindi sapat ang pagpapatawag ng ‘committee of the whole’ para talakayin ang idineklarang martial law ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Congressman Tom Villarin na kailangang magkaroon ng joint session ang dalawang (2) kapulungan ng kongreso para talakayin at pagbotohan ang deklarasyon.
Kailangan aniyang malaman ng publiko ang mga ginamit na basehan ng Pangulong Duterte para magdeklara nito.
Pangulong Duterte posibleng lumabag sa saligang batas
Maaring magkaroon ng paglabag sa saligang batas si Pangulong Rodrigo Duterte kung babalewalain nito ang kongreso at Korte Suprema hinggil sa legalidad ng martial law sa Mindanao.
Sinabi ito ni Congressman Teddy Baguilat kasunod ng mga pahayag na tanging ang mga militar at pulis lamang ang dapat pakinggan hinggil sa usapin ng pagpapalawig sa idineklarang martial law.
Muli rin iginiit ni Baguilat ang pagkakaroon ng joint session ng kongreso at ang pagrereview ng Korte Suprema sa idineklarang martial law.
By Katrina Valle | With Report from Jill Resontoc