Opisyal nang uupong bagong House Speaker si Congressman Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez.
Sa pagbubukas ng 17th Congress ngayong araw, nakakuha si Alvarez ng 251 boto mula sa kanyang mga kasamahang kongresista, habang 21 ang nag-abstain at isa naman ang nag-‘no vote’.
Ninomina si Alvarez ni dating speaker Sonny Belmonte na nakatunggali sina Quezon Rep. Danny Suarez na nakakuha ng 7 boto at Ifugao Rep. Teddy Baguilat na may 8 boto.
Dalawandaan walumpu’t limang (285) kongresista ang present sa unang sesyon mula sa 292 na miyembro ng Kongreso.
Sa naging talumpati ni Alvarez, sinabi nito sa mga kapwa kongresista na dapat nang kumilos at magtrabaho para maipasa ang mga priority bills ng administrasyong Duterte.
“Let us embrace change. Let us be instruments of change,” Pahayag nito.
Isa sa mga batas na nais na maipasa ng bagong Speaker of the House ay ang panukalang i-rebisa ang Konstitusyon para sa federal system at ang pagbuhay sa death penalty.
Kasunod nito nahalal din bilang Deputy Speakers sina Reps. Eric Singson ng Valenzuela City, Fredenil Castro ng Capiz, Mercedes Alvarez ng Negros Occidental, at Raneo Abu ng Batangas.