Nahalal na bilang minority leader ng Kamara si Quezon Representative Danilo Suarez.
Ginanap ang botohan sa pulong ng mga kongresistang hindi bumoto kay House Speaker Pantaleon Alvarez.
Nakakuha ng 22 boto si Suarez sa nasabing eleksyon kung saan tatlong kongresista ang nag-abstain sa pagboto.
House Speaker Alvarez
Itinanggi naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez na minaniobra niya ang pagpili ng minority leader ng Kamara.
Ayon kay Alvarez, kailangan talagang maghalal ng House Minority Leader dahil dalawang nasa minorya ang nakalaban niya sa pagka-speaker of the House noong Lunes.
Kabilang dito sina Ifugao Representative Teddy Baguilat at Quezon Representative Danilo Suarez na siyang nahalal na minority leader matapos makakuha ng 22 boto sa ginanap na botohan ngayong araw.
Ang pahayag ni Alvarez ay kasunod na rin nang paggigiit ni Baguilat na siya ang dapat na maging minority leader dahil siya ang nakakuha ng ikalawang pinakamataas na boto sa speakership race.
Sinabi pa ni Baguilat na tumakbo siya para harangan ang pagiging minority leader ni Suarez na aniya’y gusto ni Alvarez na maging pinuno ng minorya sa Kamara.
Binigyang diin ni Alvarez na wala sa rules ng Kamara ang iginigiit ni Baguilat na awtomatikong siya na ang minority leader dahil siya ang nakakuha ng ikalawang pinakamataas na boto sa botohan sa pagka-House Speaker.
By Judith Larino | Jill Resontoc (Patrol 7)