Sumuko na sa National Bureau of Investigation o NBI ang isa sa mga akusado sa paglusot ng 6.4 na bilyong pisong halaga ng shabu shipment mula China.
Ayon kay NBI Region 6 Director Atty. Max Salvador, nagtungo si Eirene Mae Tatad sa tanggapan ng ahensya sa bayan ng San Dionisio sa Iloilo kaninang umaga para sumuko.
Si Tatad ang may – ari ng EMT Trading kung saan sa kanya nakapangalan ang shipment ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs o BOC.
Kapwa akusado ni Tatad sa nasabing kaso ang una nang sumuko na customs broker na si Mark Taguba.
Nakatakda namang dalhin sa tanggapan ng NBI sa Maynila si Tatad.
Matatandaang pinatutugis na ng mga ahente ng NBI ang iba pang personalidad na sangkot sa paglusot ng 6.4 na bilyong pisong halaga ng shabu shipment mula sa China.
Sa ipinalabas na ‘warrant of arrest’ ng Manila Regional Trial Court (RTC), ipinaaresto na ang mga negosyante na sina Manny Li at Kenneth Dong; customs broker na si Teejay Marcellana, ang Taiwanese nationals na sina Chen I-Min; Jhu Ming Jyun at Chen Rong Huan; kasama ang sumuko na may – ari ng EMT Trading na si Eirene Mae Tatad.