Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na i-consolidate ang tourism system sa Pilipinas.
Ibinigay ng Pangulo ang direktibang ito matapos ang isang pagpupulong kasama ang mga miyembro ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector noong January 18, 2024.
Sa nasabing pagpupulong, ibinahagi ni Pangulong Marcos ang kwento tungkol sa kanyang kaibigan na nagbakasyon sa Thailand. Nang tanungin ng Pangulo kung bakit hindi na lang sa Pilipinas, sinabi nitong kung sa Pilipinas, kailangang turista pa mismo ang maghahanap ng hotel, driver, tour guide, at iba pa.
Para kay Pangulong Marcos, mayroong organized structure sa tourism requirements ang Thailand, mula sa hotel at flight booking, hanggang sa pag-aarkila ng driver at tour guide.
Ito ang gustong mangyari ng Pangulo para sa tourism sector ng Pilipinas. Upang maging posible ito, kailangan aniyang i-consolidate ang sistema.
Nais din ni Pangulong Marcos na mang-akit ng foreign tourists sa pamamagitan ng sports at food tourism. Dahil dito, inatasan na niya ang Department of Tourism (DOT) na tignan ang potensyal ng sports development. Iminungkahi rin ng PSAC na simulan ng Pilipinas ang pag-host sa major sporting events at ang pagkampanya sa native cuisines ng bansa.
Bukod dito, inirekomenda ng PSAC ang pagpapadali sa visa access, gaya ng pagbibigay ng pansamantalang 30-day visa-free entry sa mga turista at paggamit ng third-party service provider sa e-Visa system.
Samantala, nais din ng PSAC na ipatupad ang pagpapahusay sa airport connectivity and capacity at pagtutugma sa hotel supply ng mga kalapit na bansa sa pamamagitan ng incentives katulad ng VAT refund scheme.
Ayon kay Pangulong Marcos, haligi ng ekonomiya ang sektor ng turismo. Sa katunayan, noong 2023 nakalikom ang bansa ng P482 billion international tourism revenue. Sa patuloy na pagsisikap ng administrasyon na pahusayin ang sektor ng turismo, posibleng mas bumilis ang pagsigla sa ekonomiya ng Pilipinas.