Magpapatupad ng isang buwang construction ban sa mga proyekto ng pamahalaan ang 1st at 2nd District ng Southern Leyte at 3rd legislative district ng South Cotabato simula Setyembre 11.
Ito ay dahil sa nakatakdang special elections sa dalawang lalawigan sa Oktubre 26.
Alinsunod sa omnibus election code, ipinagbabawal ang lahat ng konstruksyon ng public works, paghahatid ng mga materyales para dito at pagpapalabas ng treasury warrant isang buwan bago ganapin ang special election.
Gayundin ang pagpapalabas ng pondo ng pamahalaan at pagkuha o pagtatalaga ng mga bagong empleyado.
Magugunitang sinuspendi ng COMELEC ang halalan sa dalawang distrito sa Southern Leyte dahil sa kakulangan ng kagamitan noong nakaraang Mayo.
Habang naantala ang eleksyon sa distrito ng South Cotabato kasunod ng pagsasabatas sa Republic Act number 11243 o pagbuo ng bagong legislative district ng General Santos City.