MARIING ipinanawagan ng isang consumer group na suspindehin ang lease fees para sa telecommunications companies kasabay ng pagsasabing ang internet connection sa digital era ay isang pangunahing pangangailangan.
Batay sa isang official statement, sinabi ng Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3) na ang internet connection ay dapat tingnan na katulad ng utilities tulad ng tubig at koryente.
“Dapat itong tingnan bilang katulad ng tubig at kuryente na maagang isinasama sa disenyo ng lahat ng gusali ng gobyerno at pribadong sektor, at maging lease-free,” sabi sa statement.
“Hindi natin kailangan ang dagdag sa gastos sa mga basic utility na tiyak na idadagdag din naman sa singilin ng mga konsyumer,” dagdag pa ng grupo.
Binigyang diin ng grupo na ang communication at digital connectivity ay dapat ituring na “basic human right.”
“Mahalaga ito sa ating pagsulong. Kailangan nating masiguro na accessible at napapakinabangan ang internet ng bawat konsyumer at mamamayan,” ayon sa BK3.
Matatandaang iginiit ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na ang mga gusali at ari-arian ay dapat mag-alok ng zero lease para sa instalasyon ng broadband connectivity, at sinabing dapat ikonsidera ng pribadong sektor ang hakbang dahil halos 800 gusali sa Metro Manila ang nag-alis na ng lease fees.
Nabatid na sa kasalukuyan, may 105 developers sa Makati City ang nagpatupad ng lease-free setup para sa broadband connectivity, sa Taguig City ay may 91 gusali at sa Quezon City ay may 57.