Nanawagan ang isang grupo ng konsyumer sa Department of Energy o DOE at Energy Regulatory Commission o ERC na ipaalam sa publiko ang magiging epekto sa presyo ng kuryente makaraang ilagay sa yellow at red alert status ang Luzon grid.
Ayon kay Vic Dimagiba, pangulo ng grupong Laban Konsyumer, mahalaga na malaman ito ng publiko bukod pa sa mga teknikal na rason sa likod ng mga naturang alert status.
Dapat aniyang malaman ng mga konsyumer kung magkano ang nagiging kalakalan sa spot market at ang magiging epekto nito sa generation charges ng kuryente sa mga susunod na buwan.
Samantala, nanawagan na rin sa DOE maging sa Philippine Competition Commission si Senador Sherwin Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Energy na suriin ang posibleng nangyayaring sabwatan lalo na’t tumaas na sa walong piso kada kilowatt hour ang presyo nito sa wholesale electricity spot market.