Agad na nagpakalat ng mga karagdagang surveillance team ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease para magsagawa ng contact tracing.
Kasunod ito ng pagkakatala sa apat na bagong kumpirmadong kaso at local transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nagpapatupad na sila ng mga karagdagang hakbang bilang pagtugon sa sitwasyon.
Sinabi ni Duque, tuloy-tuloy ang pagkalap ng impormasyon ng Epidemiology Bureau kaugnay ng mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 at agad nilang isasapubliko ang mga ito oras na maisailalim sa beripikasyon.
Pagtitiyak pa ni Duque, matagal nang nakahanda ang ahensiya sa pagkakaroon ng local transmission.
Kaugnay nito, hinimok ng kalihim ang lahat ng mga indibiduwal na tatawagan ng surveillance team ng DOH na makipagtulungan sa ahensiya.
Gayundin ang lahat ng nakararanas ng lagnat o anumang sintomas ng respiratory disease at nagkaroon ng contact sa may COVID-19 o bumiyahe sa mga apektadong bansa na makipag-ugnayan agad sa DOH.