Tinapos na ng Department of Health (DOH) ang contact tracing na ginagawa nila kaugnay sa tatlong kumpirmadong kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Ito, ayon kay DOH assistant secretary Maria Rosario Vergeire, ay dahil natapos na ang 14-day mandatory quarantine period.
Inamin ni Vergeire na hirap silang hanapin ang mga nakasalamuha ng mga naunang biktima ng COVID-19 dahil mali-mali ang ibang detalye hinggil dito at ilan sa mga ito ay nakalabas na rin ng bansa.
Sa halip, binigyang-diin ni Vergeire na paiigtingin na lamang nila ang surveillance mechanisms para epektibong mapangasiwaan ang mga bagong kaso ng COVID-19.