Patuloy ang ginagawang contact tracing ng Department of Health (DOH) at iba pang ahensya ng pamahalaan sa mga nakasalamuha ng nasawing 2019 novel coronavirus (nCoV) patient.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakipag-ugnayan na sila sa mga lugar na pinuntahan ng biktima at kasama nito sa Cebu, Dumaguete at dito sa Maynila.
Nakuha na rin anya ang manifesto ng Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific at tukoy na ang mga nakasakay nito sa eroplano.
Sinabi ni Duque na kailangang i-quarantine ng 14 na araw ang lahat ng nakasalamuha ng biktima.
Kasama din natin d’yan ang DILG, nCoV Task Force sa bawat mga komunidad at dito ‘yung mga pinuntahan sa Cebu, sa Dumaguete, dito sa Manila –tinutukoy sa kasalukuyan, kinikilala ‘yung mga tao, at binibigyan sila ng abiso bago ang quarantine at kunan sila ng temperature araw-araw, for 14 days,” ani Duque.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Duque na normal na nangyayari ‘yung biglang bumabagsak ang kundisyon ng isang pasyente na papagaling na sana mula sa sakit na tulad ng nCoV.
Tinukoy ni Duque ang pasyenteng namatay sa nCoV na nagpakita na ng magandang kundisyon subalit kalaunay bumagsak rin at nasawi.
Nangyayari ‘yan, nagpapakita ng improvement tapos no’ng last 24 hours biglang bumagsak. Gano’n din naman ang nangyari sa mga pasyente sa Wuhan, China, nagkaroon ng massive pneumonia, severe pneumonia,” ani Duque. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas
3 sa mga nakasalamuha ng nasawing nCoV patient sa PH na-ospital
Na-ospital ang tatlo sa mga taong nakasalamuha ng Chinese national na namatay dahil sa 2019 novel coronavirus (nCoV) sa Pilipinas.
Ang tatlong pasyente ay napag-alamang nakasalamuha ng mag asawang kapwa positibo sa nCoV noong sila ay nasa Dumaguete.
Ayon kay Dr. Ferchito Avelino, director ng Department of Health-Epidemiology Bureau, tuluy-tuloy ang ginagawang tracing sa kung sinu-sino ang nakasalamuha ng mag partner na turista sa Cebu, Dumaguete at Maynila.