Napag-iiwanan pa rin umano ang Pilipinas sa aspeto ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng isang kumpirmadong may kaso ng COVID-19.
Ito ang inihayag ng World Health Organization (WHO) sa kabila ng kahalagahan nito upang mapigilan ang lalong pagkalat ng virus na nagdudulot ng malalang karamdaman.
Ayon kay Dr. Socorro Escalante, kinatawan ng WHO sa Pilipinas, kailangan pang magpursige ng pamahalaan upang tutukan ang contact tracing.
Ginagawa ang contact tracing sa loob ng dalawang araw mula nang makumpirmang positibo sa COVID-19 ang isang pasyente.
Gayunman, sinabi ni Escalante na kadalasan kasing hinihintay muna ang resulta ng COVID-19 test sa isang pasyante bago isagawa ang contact tracing na kadalasang nagtatagal ng hanggang isang linggo.
Bagama’t kinakailangan aniya ng Pilipinas na magkaroon ng nasa 135,000 contact tracer o katumbas ng isa sa bawat 800 indibiduwal, sinabi ni Escalante na nasa 50,000 contact tracer lamang mayruon ang bansa para sa 100-milyong Pilipino.