Tinawanan lamang ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang tanong ni Presidential Spokesman Harry Roque kung tatanggapin nito ang posisyon bilang coronavirus disease 2019 (COVID-19) tracing czar.
Kasunod na rin ito nang presentasyon ni Magalong hinggil sa contract tracing system na ginagamit ng Baguio City na maituturing na isa sa mga pinaka epektibo sa bansa.
Ayon kay Magalong may kaniya-kaniya namang sistema ang mga LGU at handa silang ibahagi ang kanilang contact tracing system sa iba pang lugar.
Sa kaniyang presentasyon ipinabatid ni Magalong, dating hepe ng PNP CIDG na gumagamit ang Baguio City ng cognitive interviews, isang GIS platform at analytical tools.
Ayon kay Magalong ang first level ng contacts ng isang COVID-19 positive patient ay isinasailalim nila sa Rapid Diagnostic Tests (RDT) para sa process of elimination.
Sa pamamagitan nito ay makakapag-focus aniya ang mga otoridad sa first level contacts na nagpositibo sa test kahit mayroong limitadong resources.
Bukod pa rito inihayag ni Magalong na kinukumbinsi rin nila ang mga COVID-19 positive patients na maging transparent sa kanilang kaso o banggitin nila ang kanilang identity sa publiko.
Sinabi pa ni Magalong na ang kanilang mga imbestigador ay sumailalim sa cognitive interview training na katulad ng sa CIDG para matulungan ang mga pasyenteng maalala ang mga insidente bago ang kanilang infection.
Sa aspeto naman ng teknolohiya binigyang diin ni Magalong na gumagamit ang lungsod ng GIS platform na katulad ng crime information research and analysis system at ang link analysis na isinunod matapos ang case management at analysis system na dinivelop ng alkalde noong nasa CIDG pa siya.
Ginagamit ng Baguio City Government ang GIS application na isang special technology para sa crime mapping upang makita ang lawak ng potential infection sa isang barangay samantalang ang link analysis ay nagpapakita ng mga trend at pattern kung paano nai-infect ang isang pasyente o kung paano nalilipat ang virus sa iba sa pamamagitan ng kanilang araw-araw na aktibidad.