Isinusulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paggamit ng digital financial platforms bilang bahagi ng bagong ekonomiya sa ilalim ng new normal.
Sa pagdinig ng Kamara para sa P4.5-T panukalang budget para sa susunod na taon, sinabi ni BSP Gov. Ben Diokno na ang contactless payments ay mainam na panlaban para hindi mahawaan ng COVID-19.
Kabilang sa mga contactless payments sa bansa ay ang e-gov, instapay, pesonet gayundin ang paggamit ng QR code sa pagbabayad ng buwis at iba pang transaksyon.
Nagpapatupad din ng relief measures ang BSP ani Diokno para suportahan ang micro, small at medium enterprise (MSME’s) tulad ng pagpapataw ng mababang interes sa pagpapautang.
Bagama’t bumaba ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa ikalawang bahagi ng taon, tiniyak ni Diokno na mananatiling matatag ang halaga ng piso at kontrolado pa rin ang inflation rate.
Batay sa pagtaya ng BSP, inaasahang papalo sa 2.6% ang inflation sa taong ito, 3% sa 2021 habang 3.1% naman ang inaasahan sa 2022.