Kasado na ang contingency measures ng Department of Energy (DOE) sakaling tumindi ang epekto sa supply ng langis sa bansa matapos ang drone attack sa isang oil facility sa Saudi Arabia.
Kabilang sa pinaghahandaan nila ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Cusi na maaari ring suspindihin ang paniningil ng excise tax sa mga produktong petrolyo para hindi sumirit ng husto ang presyo ng oil products.
Inihayag pa ni Cusi na kapag umabot sa 80 dollars kada bariles ang halaga ng langis sa tatlong magkasunod na buwan maaari nang ikunsider ang excise tax exemption.
Nagpatawag ng emergency meeting noong isang linggo si Cusi para pag-usapan ang nangyaring pag atake sa oil facility.
Tiniyak ni Cusi ang pagtutok sa sitwasyon lalo’t mahigit 30% ng supply ng langis sa bansa ay nagmumula sa Saudi Arabia.