Pinaplantsa na ng mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa eleksyon ang contingency plan para matiyak ang ligtas at patas na halalan sa Mayo 9.
Ayon kay PNP Chief Dir. Gen. Ricardo Marquez, isinasapinal na nila ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensya ang ilalatag na seguridad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ngayon aniya mayroon nang joint security coordinating center na naka-posisyon sa bawat lugar na siyang nakikipag-ugnayan sa mga political party o mga kandidato para bigyang seguridad ang mga lugar na pagdarausan ng kampanya ng mga ito.
Inihayag ni Marquez na nakita niya mismo na maayos ang mga nakalatag na seguridad at mga preparasyon na ginagawa ng mga pulis nang bisitahin niya ang iba’t ibang probinsya noong isang linggo.
Una nang inikutan ng PNP Chief ang mga lalawigan sa CALABARZON at Northern Luzon habang kahapon ay nagtungo ang heneral sa Tawi-Tawi.
By Drew Nacino | Jonathan Andal