Nagkasa na ng operational adjustments ang Manila Water sa mga customer nito sa East zone.
Ito ayon sa Manila Water ay para mapigilan ang mabilis na pagbaba ng water level sa La Mesa dam dahil sa walang gaanong nararanasang ulan.
Apektado nang ipatutupad na low pressure hanggang sa tuluyang pagkawala ng supply ng tubig kapag peak demand hours ang maraming barangay sa Marikina, Pasig, Quezon City, tagUig at mga bayan ng antipoLo, San Mateo, Rodriguez, Taytay at Jala-Jala sa Rizal.
Kabilang din sa mga apektadong barangay ang Fortune, Nangka at Tumana sa Marikina city, Caniogan, Kalawaan, Palatiw, Pinagbuhatan, Sagad, San Joaquin at San Miguel sa Pasig City; Pasong Tamo at Sacred Heart sa Quezon City.
Apektado rin ang labing pitong (17) barangay sa Taguig, 5 sa Antipolo City, Brgy. San Jose sa Rodriguez, Rizal, 10 barangay sa San Mateo, Brgy. Santa Ana sa Taytay at mga barangay ng Punta at Sipsipin sa Jala-Jala.
Pinayuhan ng Manila Water ang mga apektadong residente na mag-ipon ng kailangang tubig.
Summer season
Mararanasan na ang mainit na panahon.
Ipinabatid ito ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dahil sa northeasterly surface windflow na nakakaapekto sa Luzon at Visayas, samantalang apektado naman ng easterlies ang Mindanao.
Mag-a-alas-3:00 ng hapon kahapon nang pumalo sa halos 34 degrees Celsius ang pinakamataas na temperatura sa Metro Manila.
Sinabi ng PAGASA na maalinsangang panahon na ang maaasahan sa malaking bahagi ng bansa sa patuloy na pag-iral ng northeasterly surface windflow.
—-