Muling dinepensahan ng Social Security System (SSS) ang panibagong dagdag kontribusyon ng mga miyembro at employer na lalarga simula sa susunod na taon.
Ipinaliwanag ni SSS President at CEO Michael Regino na makatutulong ang contribution hike upang pondohan ang mas mataas na benefit disbursements.
Ayon kay Regino, inihahanda na ng “four-stage” contribution rate hike ang SSS fund para sa pangangailangan sa hinaharap ng kanilang mga miyembro.
Ang pagtaas ng contribution rate ay alinsunod sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang itaas sa 15% ang kontribusyon sa taong 2025.
Sa ilalim ng RA 11199, ipapataw ang 1% contribution increase sa SSS members kada dalawang taon mula 12% noong 2019 hanggang maabot ang 15% sa 2025.
Simula sa Jan. 1 taong 2023, ang bagong contribution rate ay magiging 14% na.